Oo, may kamag-anak akong mga babae. Samu't sari ang mga pinsan kong mga babae. Pero hindi pa talaga ako sanay na makisalimuha sa mga babaeng hindi ko pa kilala. At dahil sa interaksyon na ito, medyo tumaas na ang aking confidence sa pakikipagtalastasan sa mga babae.
Bakit di ako nakakikilala masyado ng mga babae? Kase naman, isa akong taong hindi mahilig lumabas. Simula noong bata ako hanggang ngayo'y hindi ako madalas lumalabas ng aming bahay at lumibot sa aming subdivision upang makipagkilala sa mga kapitbahay at mga tao. Isa pang dahilan dito, at ito ang aking idadaing para sa blog na ito, ay dahil ako'y nag-aral simula noong ako'y limang taong gulang hanggang ako'y nagbinata, nang walang nakasasalimuhang babaeng kaklase. Sa kasawiampalad, all boys school ang Claret, ang mababang paaralang aking pinanggalingan. :(
Subalit di ko naman masyado inaalala ang pagsuyo sa mga babae sa kasalukuyan. Siguro kapag guro na ako sa isang paaralan, o di kaya'y isang doktor sa isang mayamang ospital, o kaya'y isang Arkikto ng mga estblisamento, ako'y magsisimulang makipagsapalaran sa laro ng pag-ibig.
Sa ngayon, bata pa ako! Kaya't ang dapat atupagin ay ang edukasyon! Ngunit kalakip ng edukasyon sa Mataas na Paaralan ay ang pangangangalaga at pagpapayaman ng pagkakaibigan. Hindi edukasyon ang aking suliraning tatalakayin kundi ang pagkakaibigan. Social Life. Ito ang aking mga hapis.
Nang tumuntong ako sa Unang Taon ko sa Mataas na Paaralang Ateneo, aminado akong inis na inis ako sa mundo. Kaya't maaalala ng mga kaklase ko sa 1-J na napakawirdo at loner ko noon. Tila bang isang pipe na hindi malapitan. Hindi nakatulong ang mga palihim na pagtawag sa akin ng mga pangalan tulad ng Gecko at LP sa pagpapaluwag ng aking damdamin sa paaralang ito. Vincci, Ram, Marco, Bruno at Angelo...alam nyo naman kung ano ako noon di ba? Basta ganoon. Pero sobrang nanibago ako sa Ateneo kaya't naging ganoon aking ugali. Na-overwhelm ako dahil hindi ko na makakaaral ang mga taong kasama kong lumaki't yumabong simula nung bata. Kaya ganoon ako. Introverted, Pissed, Awkward, Socially inept....Emo. Dahil miss na miss ko ang mga kaklase ko sa Claret noon...
Siguro'y mahihinuha ninyong nagtapos ang aking unang taon nang masaya? Dahil laging nagtatapos sa isang "Happy Ending" ang mga teleserye? Hindi. Nagtapos ang unang taon ko nang walang pinagbago. Walang character development. Hindi naresolba ang pangunahing problema. Hindi nagwagi ang pangunahing tauhan.
Ngunit may isang liham, isang liham mula sa Filipino Department, na maaaring maghudyat ng ikalawang yugto sa epiko ng aking buhay sa Ateneo. Ang Pagsusulit para sa Klaseng Pandangal sa Filipino. Sinubukan ko ito kahit alam kong ilan sa mga taong kinaiinisan ko noo'y kumuha rin ng pagsusulit. Buti na lamang at nginitian ako ng kapalaran sa unang pagkakataon. Pumasa ako sa pagsusulit, at hindi nakapasa ang kinaiinisan ko.
Siguro'y ang Jerome noong first year, ang JeDI, ay ganoon pa ring ka-emo at kawirdo, kung hindi siya nakapasa. Siguro'y ganoon rin siya kahit pumasa siya pero nakapasa rin ang kinaiinisan niya. Siguro nga'y JeDI pa rin siya ngayon kung hindi lamang natutuhan niya ang pagbibigay-PRAYORIDAD sa mga bagay-bagay.
Claretiano ako noong unang taon. Pero dahil noong ikalawang taon, unti-unting napamahal sa akin ang dating kinaiinisan kong paaralan. Bunga na rin siguro ito dahil sa mga kaklase kong madaling pakisamahan. Una'y nakisama lang ako. Unang Termino. Sawsaw lang ako. Hervacio Tubulan lang naman. Nakikisama paminsan kina Polo. Minsan kina Joenel. Isang panahon kina Meynard. May mindset pa ako noong hindi ko kailanman maipapalit ang mga matatalik kong kaibigan noong mababang paaralan kaya't iniwasan kong maging close sa kanila.
Pero kahit nakikisawsaw ako noon, pakiramdam kong laging may kulang. Oo, mabuting may mga kasama. Pero nabatid kong hindi ako masaya sa pagkakaroon lang ng mga kasama. Ika nga ng ating gurong si Ser Ron, May dalawang klaseng lobo - Ang Lobong de-tali't lumilipad at ang Lobong de-patpat at 'di lumilipad. Ako'y isang lobong de-patpat noon. Ligtas lang, hindi pumuputok. Pero wala namang nararating, hindi lumilipad. Siguro'y di ko namalayang naitatakda sa isip ko ang kaisipan sa likod ng talinghaga nun. Kulang lang ang pagiging may kasama. Dapat maging mapangahas. Maging Lobong de-tali na lumilipad kahit mapanganib. Oo, marahil ay baka hindi tugma ang aking ugali o mga pahiligan sa kanila. Pero mabuting subukin man lamang makipagkaibigan. Kase naman, puwede namang magkaroon ng more than one friend di ba?
At ayun! Naalala ko pa nga ang unang pabirong nasabi... "Guys, may bago na tayong Curlmate." lol. Kaya't simula gitna ng Ikalawang Taon ko hanggang sa pagtatapos nito, napamahal sa aking hindi lamang ang paaralang Ateneo ngunit pati na rin ang klaseng M2011! At naawit ko na ang A Song For Mary ng taus-puso at nang may buong pagmamahal, gaya ng pag-awit ko noon ng Claret School March.
Kaya't nagsimula ang ikatlong taon nang smooth. Puno ng sigla at kasiyahan. At ito'y nagaganap hanggang sa ngayon.
((Author's Note: BTW. 3M!! Nood tayo Harry Potter and the Half Blood Prince. :D Sino sama????))
At tumalon tayo sa kasalukuyan. Pakiramdam kong lalong tumatag ang samahan ng aming klase dahil sa soiree kanina. Pero habang tumatatag ang pagkakaibigan ko sa mga kaklase ko'y pakiramdam kong unti-unting umaagnas ang pagkakaibigan ko naman sa mga Claretiano kong kaklase noong grade 7 (liban kay Polo. lol.).
Hanga ako sa mga kaklase ni Jairus nung grade school siya dahil hanggang ngayon, matatag pa rin ang samahan nila. Sa katunayan, naiinggit pa nga ako kase sobrang magkaibigan pa rin sila at madalas magkita. Samantalang sa mga kaibigan ko nung grade 7, di ko na sila nakikita since 3 years. :| Liban kay Polo at Roid. Kase naman classmate ko pa rin si Polo ngayon at nagkita naman kami ni Roid nung foundation day. :))
Kailan kaya matutuloy ang isang reunion ng buong 7 Compassion?
Sana lang, hindi mangyari ang kasabihang kadalasang naglalaho ang pagkakaibigan sa mababang paaralan.
Yun lang naman ang mga Hapis ng isang Claretianong Atenista. Proud to be Claretian. Proud to be Atenean as well. Dilaw ang aking dugo (Blue+Red=Yellow).
Kaytagal ko nang gustong ibulgar ang mga kinikimkim kong damdamin...at heto na, nailabas ko na sa wakas. Yay! Bihira lang ako magsulat ng blog hah. Namnamin nyo na. =))